Ang Kapitbahay (33) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 20, 2026 | 12:00am

KALAHATING oras na ang na­kalipas ay hindi pa lumalabas sa bahay si Teresa. Anong nang­­yari at natagalan?

Baka kaya sinasaktan ni John si Teresa dahil nagtungo sa bahay na walang paalam? Pero dapat pa bang magpaalam ang asawang matagal nang niloloko? Matagal na nga siyang hinahanting ni Teresa dahil sa hindi pagbibigay ng sustento sa anak.

At nasaan naman ang konsensiya ni John kung sa­­saktan ang asawa. Na­pakasama niya kung pag­bu­buhatan ng kamay ang babaing una niyang pinakasalan.

At sinabi naman ni Teresa na hindi niya aawayin si John. Kaya niya kakausapin ay dahil sa sustento na kailangan ng kanilang anak. Sabi nga ni Teresa, kaya niya gagawin ang pakikipag-usap kay John ay para sa anak—wala nang iba. Ka­ilangan ng anak ang sustento lalo at mag-aaral na.

Hindi mapakali si Vince habang hinihintay ang pag­labas ni Teresa sa bahay.

Bakit kaya wala pa?

Puntahan kaya niya?

Pero baka maghinala si John. Ayaw niyang masangkot sa gulo ng mag-asawa.

Ilang beses napabuntunghininga si Vince.

Kung nag-aaway naman­ ang dalawa, sana na­rinig niya ang sigawan. Wala naman siyang narinig.

Silipin kaya niya?

Puwede naman siyang sumampa sa bakod para ma­katungo sa bahay ni John.

Bahala na.

(Itutuloy)