Anong dahilan at nagkaka-wrinkles? | Pilipino Star Ngayon


BAKIT kumukulubot (wrinkles) ang balat? Maraming dahilan. Ang balat ay gawa sa isang matibay na keratin na hindi pina­pasok ng tubig. Sa ilalim ng balat ay may collagen, elastin fibers, nerves at blood vessels, at may makapal na layer ng taba.

Sa edad 20 hanggang 30, nababawasan na ang paggawa ng collagen ng balat. Parang isang rubber band ang collagen at ito ang nagpapakinis ng balat. Pero sa pag-edad, ang mga collagen at elastin fibers ay kumakapal at lumuluwag. Ito ang dahilan ng pagkulubot ng balat. Nababawasan din ang moisture sa balat at lumiliit ang fat cells sa ilalim ng balat.

Sa edad 40, titigil na ang paggawa ng collagen ng balat. Ang natitirang collagen at elastin fibers ay unti-unting nababali, tumitigas at parang rubber band na lumuluwag. Ito ang nag­dudulot ng wrinkles.

Sa edad 50, ang balat ay nanunuyo at madaling magasgas. Nababawasan ang mga oil glands. Kapag ang babae ay nag-menopause, manunuyo at magiging manipis din ang balat.

Ang pag-kulubot ng balat ay namamana rin sa magulang. Kapag makinis ang mukha ng iyong magulang ay marahil makinis din ang iyong balat.

Ang pag-edad ay hindi natin maiiwasan. Pero mayroon tayong magagawa para gumanda ang ating kutis. Heto ang aking payo:

1. Huwag magbilad sa araw. Ang araw ay nagpapakulubot ng balat, nagdudulot ng freckles at posibleng magka-skin cancer pa dahil sa UV light. Magtago sa matinding sikat ng araw mula 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m.

2. Gumamit ng sunblock na may taglay na SPF 15 o 30.

3. Itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng alak. Ang panini­garilyo ay nakatatanda dahil nababawasan ang daloy ng dugo sa balat. Ang alak naman ay nagdudulot ng wrinkles dahil hihina ang resistensiya at babagsak ang katawan.

4. Uminom ng walong basong tubig araw-araw para ma­natiling malambot ang balat.

5. Kumain ng dalawang tasang prutas at dalawang tasang gulay araw-araw. Sagana ito sa vitamins A, C, E at biotin na tinuturing na anti-oxidants. Umiwas sa pagkaing matataba, mamantika at sitsirya.

6. Magbawas sa stress at maging masayahin.

* * *

Tips para hindi agad-agad magalit o uminit ang ulo:

1. Mag-ehersisyo – Nakababawas ang ehersisyo sa stress at tensiyon sa katawan.

2. Magpahinga nang sapat – Huwag magmadali at sobrahan ang iyong trabaho. Kapag hindi ka overworked, mas hindi iinit ang iyong ulo.

3. Habaan ang pasensiya – Huwag maging perfectionist. Tanggapin na talagang may nahuhuli sa mga schedule, meeting at oras ng biyahe.

4. Ayusin ang pag-iisip – Alamin ang mga bagay na mabilis magpainit sa iyong ulo. Bago pa ito mangyari, mag-isip na ng paraan para makaiwas dito.

5. Maghintay ng ilang oras – Kung may kaaway ka, huwag mo agad siyang harapin. Mag-deep breathing exercises muna. Huminga nang malalim at mabagal ng 10 beses.

6. Kausapin ang sarili o baguhin ang pananaw – Tanungin ang sarili: Itong kinakagalit ko ba ay may epekto sa akin pagkalipas ng 1 taon o 10 taon? Kadalasan ay wala naman.

7. Maging abala sa magandang gawain – Kapag ika’y walang ginagawa, magiging mas mainitin at mainggitin ka sa iba. Ngunit kung abala ka sa sariling proyekto, wala ka nang panahong magalit pa sa iba.

8. Libangin ang sarili – Kapag nararamdaman mong umiinit ang iyong ulo, ibaling ang iyong isipan sa iba. Magbasa ng magazine, o mag-isip ng magagandang bagay.

9. Huwag daanin sa alak ang iyong galit – Masama ang alak sa katawan.

10. Ilabas ang iyong galit sa tamang paraan – Pumunta ka sa lugar na walang tao at dito mo ilabas ang iyong inis. Puwede ring ikuwento mo ito sa isang kaibigan.

11. Magpatingin sa doktor – Baka naman may altapresyon o sakit ka sa thyroid. Ang mga sakit na ito ay puwedeng magpainit din ng ulo.

12. Ipasa-Diyos ang lahat – Ipagdasal mo na lang ang iyong kaaway. Hayaan mo nang iba ang lumaban sa kanya at huwag nang ikaw. Magpakumbaba at umiwas na lang sa iyong katunggali. Lilipas din iyan.