Arca, Mendoza kampeon sa China chessfest


MANILA, Philippines — Nag pasiklab sina FM Christian Gian Karlo Arca at WFM Jemaicah Yap Mendoza matapos sikwatin ang titulo sa 9th Eastern Asia Youth Chess Championships 2025, Standard na nilaro sa Zhuhai, China, kahapon.

Pinagpag ni International Master-elect Arca si Yihang Song ng China sa ninth at last round upang ilista ang walong puntos at upuan ang solo top spot sa Boys Under-18 division.

Tinalo naman ni Mendoza sa huling laro si Amarawatti Min ng Myanmar para irehistro ang impresibong 8.5 puntos sapat upang magreyna sa Girls Under-14.

Ipinatupad sa nasabing event ang nine rounds swiss system at may time format na 90 minutes plus 30 seconds increment.

Hinablot naman ni Pinay WFM Ruelle Canino ang bronze medal matapos umiskor ng pitong puntos sa Girls U-18. 

Samantala, kasalukuyang nakikipag-tulakan ng piyesa sina Arca, Mendoza at Canino sa Blitz event na may oras na five minutes plus three seconds increment.

Sasalang din ngayong araw sina Arca, Mendoza at Canino sa Rapid event, ipatutupad ang 15 minutes plus five seconds increment kada tira. Nilda Moreno