MANILA, Philippines — Tangka ng Arellano University na upuan ang solo No. 5 sa team standings sa pagsagupa nila sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round eliminations na lalaruin sa SSC-R Gym ngayong araw.
Isa sa huhugutan ng Lady Chiefs ng puwersa ang kamador nilang si Laika Tudlasan para iharap sa mga tigasing netters ng Lady Generals.
Magsisimula ang banatan ng Arellano U at Emilio Aguinaldo College sa ala-1 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Lyceum of the Philippines at Jose Rizal University sa alas-11 ng umaga.
Tangan ng Lady Chiefs ang kartang 5-3, kapareho nila ang San Sebastian College-Recoletos kaya nais nilang makuha ang panalo upang kumalas sa pagkakakapit ng huli at mapalapit sa No. 4 na hinahawakan ng Letran (6-2).
Kasalo naman ng Lady Generals ang Lady Pirates sa No. 7 hawak ang tig-2-6 baraha, nais din ng una na masungkit ang panalo upang madala nila ang momentum sa second round elims.