ISANG 37-anyos na babae mula Jilin, China ang naging viral matapos niyang ibahagi sa social media na halos dalawang dekada siyang hindi nagtatanggal ng makeup na naging dahilan nang matinding pamamaga at rashes sa mukha.
Nakilala lamang bilang sa tawag na “Gao”, ginamit niya ang kanyang kuwento bilang babala sa publiko, lalo na sa mga mahilig mag-makeup, na huwag balewalain ang tamang paglilinis ng mukha.
Ayon kay Gao, nagsimula siyang gumamit ng makeup sa edad na 15 matapos makita ang ginagawa ng kanyang ina.
Subalit pagkalagay niya ng makeup, hindi niya ugaling gumamit ng makeup remover at hinuhugasan lang niya ng tubig ang mukha tuwing gabi.
“Bakit pa tatanggalin kung maglalagay ka ulit bukas?” ani Gao.
Dahil dito, patung-patong lang ang makeup na ginagamit niya araw-araw.
Bagama’t nakaranas na siya ng tagihawat noon, hindi naging malala ang kanyang balat.
Hanggang bigla siyang magkaroon ng allergic reaction. Labis ang pamamaga at pamumula ng kanyang mukha na halos hindi na siya makilala ng mga tao.
Sa halip na magpatingin sa dermatologist, nagpunta siya sa isang medical aesthetics clinic para magpaturok ng “skin booster” na lalo lamang nagpalala sa kanyang kondisyon at naging kulay-ube ang kanyang mukha.
“Nagkukulong na lang ako sa bahay, hindi na ako lumalabas dahil sa sobrang kati at pangit ng itsura ko,” sabi ni Gao sa isang viral video. “Parang may libo-libong langgam na gumagapang sa mukha ko kapag umaatake ang rashes.”
Aminado si Gao na minsan ay gumamit din siya ng mumurahing makeup, na maaaring nakadagdag sa pinsala sa kanyang balat.
Ngunit ayon sa ilang dermatologist, malabong ang hindi pagtanggal ng makeup lamang ang sanhi ng ganitong matinding kondisyon. Posibleng may iba pang dahilan tulad ng rosacea, dermatitis, o maling paggamit ng ilang produkto.
“Hindi maayos na paglilinis ng mukha sa loob ng 22 taon ay delikado, pero mukhang mas kumplikado ang kaso ni Gao,” anang isang dermatologist. “Maaaring gumamit siya ng produkto na may matapang na ingredient, maling paggamit ng steroid, o paulit-ulit na pagpapaturok.”
Dahil dito, umani ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang kaso ni Gao. Marami ang nagtatanong kung totoo ba na makeup lang ang sanhi ng ganitong kalalang problema, o may iba pa siyang ginawa sa kanyang balat.
May ilan ding nagsabing ginagawa lang umano ito ni Gao para mag-viral at magpapansin sa internet.
Nagkaroon ng rashes at nagkulay ube ang mukha ng babae dahil umano sa hindi pagtatanggal ng makeup sa loob nang maraming taon.