February 7, 2026 | 12:00am
ISANG ginang sa Shanghai ang nahaharap sa seryosong akusasyon matapos iturong dahilan ng ilang kaso ng banggaan ng mga sasakyan sa kanilang lugar.
Ito ay matapos niyang paulit-ulit na iniba ang puwesto ng traffic mirror sa tapat ng kanilang bahay dahil naniniwala siyang ito ang nagdadala ng kamalasan sa kanyang pamilya.
Nagsimula ang lahat nang makaramdam ng sunud-sunod na “bad luck” at pagkakasakit ang ginang.
Nang kumunsulta sa isang Feng Shui expert ang ginang, sinabihan siyang ang sanhi nito ay ang convex mirror sa kalsada na nakatutok sa kanilang pintuan.
Ang traffic mirror ay inihalintulad ng feng shui expert sa isang “demon-revealing mirror”, isang bagay sa Chinese mythology na nagbubunyag ng tunay na anyo ng mga demonyo.
Depensa ng ginang: “Hindi kami mga demonyo, kaya hindi kami natutuwa na may nakatutok na ganyang salamin sa amin.”
Dahil dito, pilit nilang inilihis ang salamin, na nagresulta sa pagkawala ng visibility ng mga motorista sa kurbada at pagdami ng aksidente.
Sinubukan pa ng property management na solusyunan ito sa pamamagitan ng paglalagay ng second mirror sa kabilang panig bilang kompromiso.
Pumayag ang ginang noong una, pero nang maramdaman niyang minamalas na naman siya, muli niyang ginalaw ang mga salamin.
Sa huli, napilitan nang makialam ang mga pulis at binalaan siya na maaari siyang managot sa batas kapag may nasaktan o namatay dahil sa kanyang paniwala.