Babae sa China, naningil ng bayad para sa pangyayakap ng kanyang fiance!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

ISANG hindi pangkaraniwang insidente sa China ang pumukaw ng debate matapos mani­ngil ang isang babae sa Henan province ng tinatawag niyang “hugging fee” mula sa betrothal gift na natanggap niya.

Kinansela ng hindi pinangalanang babae ang pagpapakasal ilang linggo bago ang wedding day, ngunit nais niyang itago ang bahagi ng “bethrotal gift”, na nagkakahalaga ng 30,000 yuan (humigit-kumulang ?234,000), bilang kabayaran sa “yakap” at iba pang gastusin.

Ang betrothal gift, ay karaniwang kaugalian sa China kung saan nagbabayad ang pamilya ng lalaki sa pamilya ng babae. Sa kasong ito, tumanggap ang babae ng 200,000 yuan (humigit-kumulang ?1.56 milyon) mula sa pamilya ng kanyang fiance.

Gayunman, ilang linggo bago ang kasal na nakatakda sana sa November nagpasya siyang huwag itong ituloy dahil ayaw na niyang pakasalan ang lalaki.

Nagkasundo ang dalawang pamilya na ibabalik ng babae ang 170,500 yuan (humigit-kumulang ?1.33 milyon) sa lalaki. Ngunit humiling siya na itago ang 30,000 yuan na ibawas, bilang “hugging fee.” Naging viral ang insidente sa Chinese social media platforms, na umabot sa 23 million views.

Ayon sa matchmaker ng dalawa na nagnga­ngalang Wan, ang babae ay “masyadong pinuna ang lalaki sa pagiging masyadong matapat at pagkakaroon ng maliit na suweldo.” Mariing kinondena ni Wan ang pag-uugali ng babae, na sinabing ito ay “imoral” at “ang pinakapihikan” sa 1,000 mag-asawang kanyang ipinag-match sa loob ng isang dekada.

Nangyari ang “yakap” na tinutukoy ng babae sa wedding photo shoot kung saan hiniling ng photographer sa lalaki na yakapin siya.

Bagama’t karaniwan ang mga kaso ng pagtanggi ng mga babae na ibalik ang bethrotal gift, pagkatapos kanselahin ang kasal, ang paghingi ng “hugging fee” ay nagbigay ng bagong per­pektibo sa usaping ito.