October 6, 2025 | 12:00am
ISANG 75-anyos na babae sa Ibaraki, Japan ang inaresto matapos aminin na itinago niya ang bangkay ng kanyang anak sa isang freezer sa loob ng 20 taon.
Kinilala ang suspek na si Keiko Mori ng Ibaraki Prefecture. Natagpuan ng mga imbestigador ang bangkay ng isang babae sa loob ng deep freezer sa tahanan ni Mori.
Batay sa salaysay ni Mori, ang bangkay ay sa kanyang anak na si Makiko, na ipinanganak noong 1975.
Ayon sa isang tagapagsalita ng lokal na pulisya, nasa “advanced stage of decomposition” na ang bangkay. Isasagawa ang autopsy upang matukoy ang tiyak na sanhi ng kamatayan.
Ayon sa mga report, lumapit si Mori sa pulisya, kasama ang isang kamag-anak, upang i-report ang pagtatago niya sa bangkay.
Nang siyasatin ng mga imbestigador ang bahay, natuklasan ang bangkay na nakasuot ng T-shirt at underwear, at nakadapa sa freezer.
Inaresto si Mori sa pagtatago ng bangkay. Paliwanag niya sa mga awtoridad, bumili siya ng freezer at inilagay ang bangkay ng anak.
Bagama’t mayroon iba pang anak si Mori, hindi sinabi ng pulisya ang pahayag ng mga ito hinggil sa kanilang kapatid na si Makiko.
Si Mori ay naninirahang mag-isa matapos pumanaw ang kanyang mister noong nakaraang Setyembre .
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.