November 29, 2025 | 12:00am
NAGULAT ang mga taong nasa Buddhist temple sa Nonthaburi nang madiskubreng buhay pa ang isang 65-anyos na babae na nasa loob na ng kabaong at nakatakda sanang i-cremate.
Ayon kay Pairat Soodthoop, manager ng Wat Rat Prakhong Tham temple, narinig nila ang mahinang katok mula sa kabaong habang kinakausap ang kapatid ng babae.
Nang buksan nila ito, nakita nilang bahagyang gumagalaw at dilat ang mata ng matanda.
Lumalabas na ang kawalan ng death certificate ang mismong nagligtas sa kanya. Una siyang dinala ng kanyang kapatid sa Bangkok mula sa Phitsanulok (na may layong 300 miles) upang i-donate sana ang kanyang organs, ngunit tinanggihan ng ospital dahil walang opisyal na dokumento ng pagkamatay.
Dahil dito, dinala siya sa templo para i-cremate, ngunit hiningan din sila ng parehong dokumento bago ang seremonya.
Habang nagpapaliwanagan tungkol sa papeles, doon na narinig ang katok mula sa loob ng kabaong.
Ayon sa kapatid, inakala niyang pumanaw na ang babae matapos itong hindi gumalaw at tila tumigil sa paghinga sa loob ng dalawang araw.
Agad isinugod ang “nabuhay” na babae sa ospital. Nangako na ang templo na sasagutin ang gastusin nito sa pagpapagamot.