September 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — ISANG 36-anyos na babae sa United Kingdom ang halos mamatay matapos siyang mabalian ng leeg dahil sa napakalakas na paghikab isang umaga!
Si Hayley Black ay kagigising pa lamang noon at pinaiinitan ang bote ng gatas ng kanyang anak na si Amelia nang makita niya ang sanggol na humihikab at ginaya ito.
Ngunit agad na nakaramdam siya ng “electric shock sensation” na kumalat sa kanyang buong katawan, na nag-iwan sa kanyang braso na nakataas.
Agad na napagtanto ni Black na may mali, kaya pinakiusapan niya ang kanyang asawa, si Ian, na tumawag ng ambulansiya.
Nang dumating siya sa ospital sa Milton Keynes, nakaranas siya nang matinding sakit, ngunit nahirapan ang mga doktor na maunawaan kung ano ang nangyayari dahil walang masyadong ipinakikita ang kanilang mga scan.
Matapos lamang kunan ng scan ang leeg nito, natuklasan nila na ang C6 at C7 na buto sa kanyang leeg ay “tumulak pasulong sa kanyang gulugod” dahil sa puwersa ng paghikab.
Sa kabutihang palad, nagawa ng mga doktor na magsagawa ng emergency surgery para maiwasan ang anumang malubhang pinsala, tulad ng permanenteng paralysis.
Gayunman, nagdulot ang insidente ng nerve damage at tracheal scar mula sa pagtanggal ng discs sa kanyang leeg. Gumugol siya ng anim na buwan sa wheelchair at kinailangan niyang matutong muli kung paano lumakad.
Nagkaroon din si Hayley ng fibromyalgia, isang pangmatagalang kondisyon na nagdudulot ng chronic pain.
“Hirap pa rin ako sa nerve damage hanggang ngayon. Madalas akong nakararamdam ng sakit sa aking mga braso, likod, at pataas sa aking leeg at ulo,” sabi ni Hayley. “Hindi ako basta-basta makahikab, at tuwing nakakaramdam ng paghikab, pinipigilan ko.”