October 31, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang back-to-back wins ang hangad ng PLDT sa pagsagupa sa Nxled sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sasagupain ng High Speed Hitters ang Chameleons ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Farm Fresh Foxies at Choco Mucho Flying Titans sa alas-4 ng hapon.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon magkikita ang Cignal Super Spikers at Capital1 Solar Spikers.
Sosyo sa liderato ng Pool A ang PLDT at Farm Fresh sa magkatulad nilang 3-1 kartada sa itaas ng Choco Mucho (2-2), Cignal (2-2), Capital1 (1-2) at Nxled (0-4).
Nangunguna ang ZUS Coffee sa Pool B bitbit ang 4-0 baraha kasunod ang Akari (3-1), nagdedepensang Creamline (3-2), Petro Gazz (3-2), Chery Tiggo (1-4) at Galeries Tower (0-5).
Sa tournament format, makakatapat ng top three teams ng Pool B ang bottom three squads ng Pool A sa isa pang single-round phase para sa posisyunan sa knockout playoffs.
Ang Top 8 ang maglalaro sa knockout stages patungo sa quarterfinals, semifinals at finals ng torneo.
Humataw ang High Speed Hitters ng 22-25, 25-23, 25-14, 25-16 panalo sa Foxies, habang nagmula ang Chameleons sa 21-25, 25-23, 25-20, 15-25, 14-16 kabiguan sa Super Spikers.
“I think it’s a long road. We’re not even thinking of the playoffs yet — we gotta take care of business next week first, then kinda recoup and reset,” ani Fil-Canadian Savi Davison sa pagbangon ng PLDT mula sa straight-sets loss sa Cignal na tumapos sa kanilang 15-game winning streak mula sa pagrereyna sa nakaraang PVL On Tour at Invitational Conference.
Hangad naman ng Nxled ang kanilang unang panalo sa torneo.
