Bagong silang na sanggol itinapon sa ilalim ng puno


LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kalunos-lunos ang kalagayan ng isang sanggol na babae na pinaniniwalaang bagong silang pa lang nang matagpuan na inabandona sa ilalim ng isang puno sa tabi ng kalsada ng Sitio Lawag, Brgy. Lictin, San Andres, Catanduanes kamaka­lawa ng madaling araw.

Nasa pangangalaga na ng municipal welfare office at ng Women and Children Desk Division ng San Andres Municipal Police Station ang sanggol na itinago sa pangalang “Baby Ana”.

Sa ulat, dakong alas-5:55 ng umaga nang matagpuan ng isang residente ang sanggol na nababalot ng kapote at iniwan ilalim ng puno ng mangga sa tabi ng kalsada ng naturang barangay. Agad na rumesponde ang mga pulis, MDRRMO at MSWDO ng bayan at dinala sa pagamutan ang sanggol na tinatayang ­ilang oras pa lang na ipinapanganak. Sa check-up ay lumabas na malusog ito.

Binilhan nila ng mga damit, gatas at iba pang pangangailangan habang salitan at kapwa nagpapadede sina San Andres social welfare officer lV Abby Icaranom-Peralta at Patrolwoman Shiela Mae Rodriguez ng Catanduanes Police Provincial Office dahil sa pangangaila­ngan ng bagong panganak na si Baby Ana ng gatas ng isang ina.

Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy kung sino ang nanay ng sanggol at ang responsable sa pag-aabandona rito.