Bagyong Baldo nanalasa sa Iloilo


MANILA, Philippines — May ibang bagyo na nanalasa sa Iloilo City.

Ito ay ang Bagyong Baldo na dating tawag kay Alyssa Valdez noong nag­lalaro pa ito sa Ateneo de Manila University sa UAAP.

Inilabas ni Valdez ang bagsik nito upang tulu­ngan ang Creamline Cool Smashers na mapataob ang Chery Tiggo sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) On Tour na dumayo sa Passi Arena.

Nagpasabog si Valdez ng 19 puntos mula sa 16 attacks at tatlong aces habang kumana rin ito ng 11 digs at 15 receptions para sa solidong triple-double showing.

Magandang resbak ito para kay Valdez at sa Cool Smashers na lumasap ng kabiguan sa kamay ng ZUS Coffee noong Sabado sa parehong venue.

Malaking tulong para kay Valdez ang mainit na suportang ibinigay sa ka­nilang team ng mga Ilonggos na na­nood sa venue.

Kaya na­­man ma­laki ang pasasalamat nito sa mga fans na du­mating para mas lalo pa itong ganahan sa laro.

“It’s my first time here in Passi. It’s great na we have our seventh man here also in Iloilo. It’s just so nice that we have lost the last game pero buong buo pa rin yung suporta nila on our second game,” ani Valdez.

Iginiit din ni Valdez na hindi nito magagawa ang magandang performance kung hindi rin sa tulong ng kanyang teammates at mga coaches na gumagabay sa kanya.

Kaya umaasa ito na magtutuluy-tuloy ang ma­gandang laro nito sa mga susunod na laban ng Cool Smashers.