Balik-EDSA sa Set. 21: Trillion Peso March laban sa kurakot


BARDAGULAN — Ronald M. LLamas — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

MGA kababayan, handa na ba kayong muling sumugod sa EDSA?

Nitong Lunes, inilunsad ng Church Leaders Council for National Transformation, SIKLAB, Tindig Pilipinas, Akbayan Party, Kalipunan at Nagkaisa Labor Coalition ang “Trillion Peso March,” isang malawakang protesta laban sa multi-trillion flood control corruption na gaganapin sa People Power Monument sa Setyembre 21.

Tamang-tama ang petsa. Ang pagtitipon ay kasabay ng paggunita sa deklarasyon ng martial law ng diktador na si Marcos, isa sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.

Inaasahan ang libu-libong estudyante mula sa Catholic, private, at state universities, at mananampalataya mula mga Catholic church dioceses at iba pang religious groups na makikilahok upang kondenahin ang lahat ng kurakot, mula sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno hanggang sa mga alipores nila.

Didiinan din ang malawakang korapsyon noong panahon ni dating President Rodrigo Duterte, kung saan lumobo ang yaman ng mga tiwaling DPWH officials at contractors, gaya ng mga Discaya.

Galit na ang mamamayan. Sa totoo lang, parang tele­serye na ang kuwento ng korapsyon sa Pilipinas; may kontrabida, may biktima, at laging may “repeat plunderers.” Ang kaibahan lang, habang nilulunod tayo sa baha, sila naman ay lumalangoy sa pera.

Muling isinusulong ng mga organizer na buhayin ang diwa ng EDSA. Sapagkat ang EDSA ay hindi lang monumento, ito’y entablado ng paglaban. Noong 1986, pinatalsik ang diktadurang Marcos na lumustay sa kaban ng bayan. Noong 2001, winakasan ang katiwalian at kapalpakan ng adminis­trasyong Erap. At noong 2013, muling umalingawngaw ang diwa ng EDSA sa “Million People March” laban sa Napoles pork barrel scam.

Sabi ng mga organisador: hindi tayo takot, at hindi tayo manonood lang. Dito natin ipakikita na sawang-sawa na tayong niloloko, ninanakawan, at inaabuso.

Kaya mga kababayan, kung ayaw na nating malunod sa bahang dala ng korapsiyon, dalhin ang galit at tapang sa EDSA sa Setyembre 21. Ito ay bukas para sa lahat, maliban sa mga puwersang nagtutulak ng military coup at pagbabalik ng lumang kapangyarihan sa poder.

Tara na sa EDSA! Sama-sama nating isigaw: Lahat ng kurakot, managot!