Bank accounts ng DPWH execs, buksan — Diokno


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 7, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Para magkaalaman na kung sino ang may ‘hidden wealth, ipinasisilip ni Akbayan Party­list Rep. Chel Diokno kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Vince Dizon ang mga bank accounts ng lahat ng mga empleyado at opisyal ng ahensiya.

Ito’y sa gitna na rin ng nabulgar na malawakang korapsyon sa DPWH sa mga infrastructure projects lalo na sa flood control projects na kung hindi overprice ay substandard ang mga materyales at ang pinakamalala ay ghost projects.

Ginawa ni Diokno ang rekomendasyon matapos mangako si Dizon na aalisin ng ahensiya ang mga tiwaling opisyal sa loob ng 60 araw, simula sa kanyang panawagan sa lahat ng opisyal na magsumite ng courtesy resignation na sa update ng Kalihim ay nasa 100% na nag-comply na ang lahat.

“Perhaps it would be good to consider asking the employees and officials of DPWH to execute waivers of the bank secrecy law. Although that’s not part of the standard operating procedure. I think there’s no legal impediment in requesting them to do that,” saad ni Diokno, isang human rights lawyer.

Upang maipreserba naman aniya ang mga ebidensya, ipinayo ni Diokno base sa kaniyang background sa legal profession na mag-isyu si Dizon ng Department Order na nagse-secure sa lahat ng electronic device na ibinigay ng gobyerno tulad ng mga computer na maaring ginamit ng mga nadismis o nagretiro at maging ng mga nagsipagbitiw sa tungkulin sa gitna na rin ng anomalya sa flood control projects at tongpats sa mga ito.

“Again, there is no right to privacy on the part of the users for ­government officials and you may access text messages, cell phone calls, even locations of particular times,” ani Diokno kung may kinausap ang mga itong tao at sinu-sino ang mga ito.

Ipinaliwanag pa ni Diokno na ang Korte Suprema ay nag-isyu ng panuntunan sa cyber warrants na maaring i-apply o magamit sa lahat ng kaso tulad ng korapsyon na ginawa gamit ang mga electronic o computer device.

Nakikipag-ugnayan na rin si Dizon sa Commission on Audit at makikipagkoordinasyon rin sa PNP Cybercrime Unit upang hilingin ang tulong ng mga ito sa pagsasampa ng kaso sa mga tiwaling executives ng DPWH.