Baste sisilip ng tsansa sa quarters


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng San Sebastian College-Recoletos ang ikatlong sunod na ratsada sa pagsagupa sa Arellano University sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.

Lalabanan ng Stags ang Chiefs ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang banatan ng Jose Rizal Heavy Bombers at Emilio Aguinaldo College Gene­rals sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Nangunguna ang Perpetual sa Group A tangan ang 8-2 record sa itaas ng nagdedepensang Mapua (5-5), Arellano (3-6), San Sebastian (3-7) at Lyceum (2-8).

Solo ng San Beda ang liderato sa Group B hawak ang 7-3 record kasunod ang Season 100 runner-up St. Benilde (6-4), Letran (6-4), Jose Rizal (5-5) at EAC (4-6).

Dalawang sunod na panalo ang sinuwag ng Stags sa 82-81 pagtakas sa Knights at sa 62-61 pag-eskapo sa Altas sa huli nilang dalawang laro para sa tsansa sa quarterfinals.

Ito ay mula sa mga pagbibida ni rookie sensation Jhuniel Dela Rama.

“Binabalik ko lang iyong tiwalang ibinibigay nila sa akin. Sabi ko nga, pinagkakatiwalaan nila ako, ibibigay ko iyong best ko,” sabi ng 20-anyos na si Dela Rama.

Bagsak naman ang Chiefs sa tatlong dikit na talo, ang huli ay laban sa Heavy Bombers, 77-79.