Bata, naospital matapos gumawa ng homework nang walang pahinga sa loob ng 14 na oras!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 19, 2025 | 12:00am

ISANG 11-anyos na batang lalaki sa Changsha, China, ang kinailangan ng agarang medikal na atensiyon matapos mag-aral at gumawa ng homework sa loob ng 14 na oras nang tuluy-tuloy!

Ang bata, na kini­lala lamang bilang si Liangliang, ay nagsimulang gumawa ng homework at mag-aral mula 8:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi nang walang pahinga.

Pagsapit ng 11:00 ng gabi, naging balisa si Liangliang at nakaranas ng mabilis na paghinga, pagkahilo, pananakit ng ulo, at pamamanhid ng kanyang mga braso at binti. Nag-panic ang kanyang mga magulang, na kasama niya sa bahay sa Changsha, at agad siyang dinala sa lokal na ospital.

Doon, na-diagnose si Liangliang na may problema sa paghinga dahil sa hyperventilation. Ayon sa mga doktor, ito ay dulot nang matinding emotional stress na kanyang naranasan mula sa panggigipit ng kanyang mga magulang na magpatuloy sa pag-aaral ng 14 oras. Kabilang sa mga sintomas ng ganitong kondisyon ang paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, at pamamanhid sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bagama’t tila pambihira ang kaso ni Liangliang, iniulat ng Changsha Central Hospital na naka­­tanggap ang kanilang pediatric emergency de­part­ment ng mahigit 30 menor-de-edad na may katulad na sintomas noong nakaraang Agosto, sampung beses na mataas kumpara sa mga nakaraang buwan. Ang matinding pressure sa school, pagkabalisa sa exams, at matagal na paggamit ng mobile phones ang itinuturong pangunahing dahilan.