COTABATO CITY, Philippines — Ganap nang idineklara ng mga kinauukulan na wala nang presensya ng New People’s Army ang isa pang bayan sa Bukidnon na naging kuta ng grupo sa mahabang panahon na nagpahirap sa buhay ng mga residente roon.
Iniulat nitong Sabado ni Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th Infantry Division, na lumagda nitong Martes ang mga sectoral leaders sa probinsya, local government officials, kinatawan ng mga units ng Police Regional Office-10 at commander ng 1003rd Infantry Brigade na si Army Brig. Gen. Marion Angcao, sa isang deklarasyong “insurgency-free” na ang bayan ng Don Carlos sa Bukidnon.
Ayon kay Hambala, nagtulungan sa pagpapahina ng presensya ng mga teroristang NPA sa Don Carlos, sa pamamagitan ng community peace building projects, ang 1003rd Infantry Brigade, ang mga pinuno ng indigenous tribes sa naturang bayan, mga municipal at provincial officials, ang Bukidnon Provincial Police Office at mga grupo ng dating mga rebeldeng nauna nang sumuko sa pamahalaan at ngayo’y tahimik nang naninirahan sa kanilang mga bayan sa probinsya.
Una nang magkasunod na nadeklarang insurgency free ng iba’t-ibang sector ang limang bayan sa Bukidnon, na kinabibilangan ng San Fernando, Kadingilan, Damulog, Dangcagan at Kibawe, matapos ang sunud-sunod na pagsuko ng mahigit na 400 na miyembro ng NPA mula sa mga barangay ng naturang mga bayan nitong nakalipas na limang taon.
Ayon kay Hambala. malaki ang naitulong ng mga provincial officials at mga pinuno ng iba’t ibang etnikong grupo sa Bukidnon sa pagpapasuko ng mga miyembro ng NPA sa probinsya.