October 28, 2025 | 12:00am
CAVITE, Philippines — Arestado ang isang 29-anyos na lalaki na naaktuhang gamit pa nito ang tinangay niyang motorsiklo sa isang parking lot, kamakalawa sa Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City.
Sa ulat sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Police Col. Ariel Red, nagsagawa ng follow up operation ang kaniyang mga tauhan matapos na mag-report ang biktima na si alyas “Edgar”, 49, construction worker ng Brgy. Sampaloc 4 ng nasabing lungsod nang mawala at matangay umano ang kanyang Yamaha Raider 150 Fi 2024 model na may plakang EAE715.
Sa salaysay ng biktima sa Dasmariñas Police, alas-12 umano ng hatinggabi ng i-park nito ang kaniyang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay bago natulog.
Alas-2 umano ng hapon nang lumabas na siya sa bahay para umalis subalit wala na sa motorsiklo nito.
Agad na inireport ng biktima ang insidente sa Dasmariñas Police na agad nagsagawa ng operasyon sa pangunguna nina Staff Sgt. Alexander Abina, Cpl. Denniel Sarmiento, Cpl. Christian James Murphy at Pat. June Allen Artienda.
Naispatan naman ng mga pulis ang suspek na sakay ng motorsiklong ninakaw nito sa may excess lot, malapit sa covered court ng Zone II, Brgy. Sampaloc 4 na ‘di kalayuan sa bahay ng biktima. Dito na agad inaresto ang suspek at nabawi ang nasabing motorsiklo. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10883 (The New Anti-Carnapping Act of 2016).