Bebot na HVI, tiklo sa P4.2 milyong shabu


Tony Sandoval — Pilipino Star Ngayon

September 26, 2025 | 12:00am

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Matagumpay na nasakote ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) Drug Enforcement Unit ang isang babae na High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Silangang Mayao, Lucena City kahapon at nakumpisahan ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4.2-M.

Base sa ulat ni QPPO Director PCol.Romulo Albacea, kinilala ang suspek na si alyas “Joyce”, 46 at residente ng Barangay 8, Lucena City.

Matapos ang isinagawang buy-bust ope­ration laban sa suspek, alas-2:30 ng hapon ay nakuha mula sa kanyang posesyon ang tatlong (3) pirasong HSTP at pitong (7) pirasong heat-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu.       

Ito ay may kabuuang timbang na 210 gramo na may street value na P4,284,000.00; tatlong piraso ng P1,000.00 na ginamit bilang buy-bust money; isang sling bag; at pera na nagkakahalaga ng P105.00.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.