October 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mag-uunahang makabangon mula sa kabiguan ang San Beda University at Emilio Aguinaldo College sa kanilang salpukan sa Group B ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Red Lions at Generals ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang pagtutuos ng Lyceum of the Philippines University Pirates at Arellano University Chiefs sa Group A sa alas-11 ng umaga.
Solo ng University of Perpetual Help System DALTA ang liderato sa Group A tangan ang 4-0 baraha sa itaas ng nagdedepensang Mapua University (3-1), Arellano (1-2), San Sebastian College (1-3) at Lyceum (0-3).
Bumabandera ang Season 101 runner-up College of St. Benilde sa Group B hawak ang 3-1 kartada kasunod ang San Beda University (2-1), Jose Rizal University (2-2), EAC (1-2) at Letran College (1-3).
Nagmula ang Red Lions sa 66-67 kabiguan sa Heavy Bombers, habang laglag ang Generals sa Knights, 80-84, sa kanilang mga huling laro.
Sasandigan ng San Beda sina Bismarck Lina, Bryan Sajonia, Janti Miller at Nygel Gonzales kontra kina Wilmar Oftana, Nico Quinal at Jude Bagay ng EAC.
Sa unang laro, determinado rin ang Pirates na makapasok sa win column sa pagsagupa sa Chiefs.
Nalasap ng Lyceum ang ikatlong sunod na kamalasan sa 93-100 double overtime loss sa San Sebastian.
Kabiguan din ang nalasap ng Arellano nang yumukod sa Perpetual, 67-72.