Beda tumukod sa St. Benilde


MANILA, Philippines — Kinapitan ng defending champion College of Saint Benilde sina Zamantha Nolasco at Wielyn Estoque upang hablutin ang mahirap na 25-27, 25-19, 25-20, 26-28, 15-12 panalo kontra San Beda University sa first round ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa Arellano University Gym, kahapon.

Humambalos si Nolasco ng 22 points mula sa 16 attacks, apat na blocks at dalawang service aces upang tulungan ang Lady Blazers na makabangon agad at ilista ang 4-1 karta at palakasin ang kapit sa No. 3 spot sa team standings.

Humarabas si Estoque ng 18 markers habang 16 at 13 ang kinana nina Clydel Mae Catarig at Francis Mycah Go, ayon sa pagkakasunod para sa St. Benilde.

Nagulat ang Lady Blazers sa set 1 at yumuko ang mga ito sa extended first set, pero kinadena ang panalo sa set 2 at 3 subalit naging mabangis ang Lady Red Spikers kaya nakahirit sila ng deciding fifth set.

Muling lumabas ang tikas ng Lady Blazers, nagsanib puwersa sa opensa sina Nolasco, Estoque, Catarig at Go para itakas ang makapigil hiningan panalo.