Belen, Canino ipaparada ng Alas sa AVC Cup


MANILA, Philippines —  Magkaribal sa UAAP sina Bella Belen ng National University at Angel Canino ng De La Salle University.

Ngunit magsasanib-puwersa ang dalawa upang banderahan ang Alas Pilipinas na sasabak sa 2025 AVC Women’s Volleyball Nations Cup na papalo mula Hunyo 7 hanggang 14 sa Hanoi, Vietnam.

Makakasama nina Be­len at Canino sa outside hitter position sina UAAP Rookie of the Year Shaina Nitura at Eya Laure habang pasok naman sa opposite sina dating UAAP Finals MVP Alyssa Solomon at Shevana Laput.

Ipaparada naman sa middle position sina Thea Gagate, Fifi Sharma, Maddie Madayag at Clarisse Loresco habang setters sina Jia Morado at Lams Lamina.

Magsisilbing libero sina Dawn Macandili-Catindig at Jen Nierva.

Nasa Pool B ang Alas Pilipinas kasama ang Kazakhstan, Iran, Indonesia, Mongolia at New Zealand habang magtutuos naman sa Pool A ang Vietnam, Australia, India, Chinese-Taipei at Hong Kong.

Sisimulan ng Alas Pilipinas ang kampanya nito laban sa Mongolia sa Hun­yo 7 sa alas-4 ng hapon (oras sa Maynila) kasunod ang Indonesia sa Hunyo 8 sa ala-1:30 ng hapon.

Haharapin naman ng Pinay spikers ang Iran sa Hunyo 9 sa alas-4 ng hapon kasunod ang New Zealand sa Hunyo 10 sa parehong oras.

Magkakaroon ng isang araw na pahinga ang Alas Pilipinas bago harapin ang Kazakhstan sa Hunyo 12 sa alas-9 ng umaga.