October 13, 2025 | 12:00am
NAPAKAGANDA ng ideya ni Capt. Med Velasco. Magtatag daw ng kumpanya ng mga beterano. Ito’y para isakatuparan ang probisyon ng Konstitusyon sa kanilang kapakanan.
Graduate ng Philippine Military Academy Class 1972 si Velasco. Naging fighter pilot siya ng Philippine Air Force. Makalipas ang pitong taon sa serbisyo, nagretiro siya at nagtrabaho sa Canada at Bahrain.
Umuwi si Velasco nu’ng 2023. Pinasya niya na ilaan ang utak at sigla para sa bayan. Pinag-aralan niya ang Konstitusyon. Doon niya natuklasan ang:
Artikulo XVI, Mga Tadhanang Pangkalahatan, Seksyon 7:
“Ang Estado ay dapat maglaan ng kagyat at sapat na pangangalaga, mga benepisyo, at iba pang mga anyo ng tulong sa mga beterano ng digmaan at mga beterano ng mga kampanyang militar, kanilang mga balo at mga naulila. Dapat ilaan ang mga pondo para rito at ang nararapat na pagsasaalang-alang ay dapat ipagkaloob sa kanila sa disposisyon ng mga pambayang lupaing sakahan at, sa nararapat na mga kalagayan, sa pagsasagamit ng mga likas na kayamanan.”
Pansinin ang huling talata: “mga likas na kayamanan”. Ibig-sabihin, minahan, langis at gas, bahura, at iba pa.
Nabalitaan ni Velasco ang ibinunyag ko sa Gotcha at Sapol nu’ng Nob. 2021. Pinabayaan ni noo’y-Energy Sec. Alfonso Cusi na bilhin ni presidential crony Dennis Uy ang Chevron shares sa Malampaya Gas. Walang pera, teknikal na kaalaman, at legal na batayan ang pagpasok ni Uy. Dinemanda sila ng Ombudsman nito lang 2025.
Dapat, ani Velasco, ibigay ng Malacañang ang Chevron shares sa isang korporasyon ng mga beterano. Executive Order lang ang kailangan dito. Kikita ang kompanya para sa mga beterano. Kikita rin ang mamamayan kung ilalagay ito sa Maharlika Fund.