Pilipino Star Ngayon
October 11, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dalawang big men at ang isang hindi makakalimutang championship game sa PBA history ang pararangalan sa 31st PBA Press Corps Awards Night sa Lunes sa Novotel Manila.
Ibibigay kay TNT Tropang 5G forward Brandon Ganuelas-Rosser ang Bogs Adornado Comeback Player of the Year, habang kikilalanin si Zavier Lucero ng Magnolia bilang Defensive Player of the Year.
Bibigyan din ng rekognisyon ang ‘winner-take-all’ Game Seven ng Commissioner’s Cup Finals sa pagitan ng TNT at Barangay Ginebra kung saan tinalo ng Tropang 5G ang Gin Kings via overtime, 87-83.
Nagrerekober pa lang si Ganuelas-Rosser, ang No. 1 overall pick noong 2022 Draft, mula sa isang ACL injury nang angkinin ng TNT ang ikalawang sunod na korona sa Season 49.
Ngunti sa pagbabalik ng 31-anyos na Fil-Am ay tinulungan niya ang Tropang 5G na makapasok sa season-ending Philippine Cup Finals sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Ngunit kinapos ang TNT sa San Miguel, 2-4, sa kanilang championship series.
Sa kabila nito ay nagposte si Ganuelas-Rosser ng mga averagies na 10.6 points, 5.6 rebounds. 1.9 blocks, at 1.1 assists sa kanyang unang kumperensya matapos ang ACL injury.
Kumamada naman si Lucero ng 14.9 points, 6.9 rebounds at 1.2 block shots sa una niyang taon para sa Hotshots.
Swak si Lucero sa Top 10 sa rebounding at shot blocking na nagpasok sa kanya sa All-Defensive Team kasama sina Stephen Holt, nine-time MVP June Mar Fajardo, Glenn Khobuntin at Joshua Munzon.