Bilanggo sa France, nakatakas matapos magtago sa maleta ng kakosang lalaya na!


ISANG 20-anyos na bilanggo ang matagumpay na nakatakas mula sa Lyon-Corbas Prison sa southeast France matapos magtago sa maleta ng kanyang kasamang preso na palalayain na.

Ayon sa ulat na kinumpirma ng French prison service, nagtago ang hindi pinangalanang bilanggo sa laundry bag ng kanyang kakosa na nakatakdang papalayain na.

Nakalusot umano ito sa mga bantay at nakalabas ng kulungan kasama ang pinalayang preso.

Sa inilabas na pahayag ng prison administration, ang tumakas na preso ay may kinakaharap pang kasong may kaugnayan sa organized crime. Hindi pa inilalabas sa publiko ang kanyang pagkakakilanlan.

Isinagawa na ang imbestigasyon kaugnay ng insidente. Ayon kay Sébastien Cauwel, direktor ng prison administration, nagkaroon ng “sunud-sunod na pagkukulang” at “seryosong mga aberya sa seguridad” na naging dahilan ng pagtakas.

“Itong insidenteng ito ay lubhang pambihira. Ngayon lang ito nangyari sa kasaysayan ng aming ahensya,” ani Cauwel.

Nitong mga nakaraang buwan, nagbabala na ang Lyon Bar Association tungkol sa matinding overcrowding sa nasabing kulungan. Ayon sa datos nitong May 1, humigit-kumulang 1,200 na preso ang nakakulong sa Lyon-Corbas, gayong ang kapasidad lamang nito ay 678.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang ma­tukoy kung may mga kasabwat sa pagtakas at kung paano ito nakalusot sa lahat ng security protocols ng kulungan.