December 17, 2025 | 12:00am
NAGING sentro ng atensiyon ang 48-anyos na Chinese gaming billionaire na si Xu Bo matapos kumpirmahin ng mga ulat na siya ay mayroong mahigit 100 mga anak sa pamamagitan ng surrogacy.
Ang surrogacy ay isang proseso kung saan ang isang babae ay nagdadala at nagsisilang ng sanggol para sa ibang tao o magulang, kadalasan may kapalit na bayad at legal na kasunduan.
Ayon sa mga ulat, ang karamihan sa mga bata ay kasalukuyang nakatira sa isang bahay sa Irvine, California at pinalalaki ng nannies.
Bukod sa bawal ang surrogacy sa China, sinasadya ang panganganak sa U.S. ng mga anak ni Xu dahil sa ilalim ng 14th Amendment, nagiging U.S. citizens ang mga sanggol na ipinapanganak sa U.S. soil.
Bagama’t nasa U.S. sila ngayon, sinabi ni Xu sa korte na plano niyang iuwi ang mga ito sa China balang-araw upang doon pamunuan ang kanyang negosyo.
Lumalabas na inspirasyon ni Xu ang Tesla CEO at X (Twitter) owner na si Elon Musk sa pagbuo nang malaking pamilya.
Tinagurian niya ang sarili bilang “China’s first father” at sa kanyang Weibo posts, inihayag niya ang pagnanais na maipakasal ang kanyang mga anak sa mga anak ni Musk upang pagsamahin ang kanilang lahi at bumuo ng isang “unstoppable family dynasty”.
Sa isang pagdinig sa korte noong 2023, inamin ni Xu na mas gusto niya ang mga lalaking anak dahil itinuturing niyang “superior” ang mga ito kaysa sa mga babae. Ang kanyang target? Magkaroon ng “50 high-quality sons”.
Bagama’t itinanggi ng kompanya niyang Duoyi Network ang mga ulat, iginiit ng kanyang ex-partner na si Tang Jing na posibleng nasa 300 na ang bilang ng mga anak ni Xu.
Noong 2023, tinanggihan ng korte ang parental rights ni Xu sa apat na unborn children matapos malaman ng judge ang lawak ng kanyang surrogacy operations.