EDITORYAL — Kapabayaan ng DA pinuna ng COA


Pilipino Star Ngayon

December 18, 2025 | 12:00am

Noong nakaraang linggo, pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Social Security System sa biniling sobra-sobrang tissue paper na nagkakahalaga ng P13.195 million noong 2024. Sabi ng COA, bumili ang SSS ng 143,424 tissue papers na halos hindi magkasya sa storage facilities. Ayon sa COA, ang sobra-sobrang pagbili ng tissue papers ng SSS ay malinaw na nagpapakita ng mahina at maling pagpaplano ng SSS.

Kamakalawa, ang Department of Agriculture (DA) naman ang pinuna ng COA dahil sa pagkamatay ng 52 kambing sa Pangasinan Research and Experiment Center sa Sual, Pangasinan. Ayon sa COA, namatay ang mga kambing noong nakaraang taon. Nagkakahalaga ng P2.438 million ang mga namatay na kambing. Ayon sa COA, namatay ang mga kambing dahil sa hindi tamang pagpapakain at kakulangan ng pagkain.

Sa report ng COA, nasa 101 ang mga kambing na binili ng DA sa ilalim ng Anglo Nubian and Saanen Goat Production Project. Ang 52 kambing na namatay ay kabilang sa 68 Anglo-Nubian at 33 Saanen breeder goats. Namatay ang mga kambing habang nasa pa­ngangalaga ng DA designated accountable officer (AO). Isinailalim na umano sa imbestigasyon ang officer dahil sa pagkamatay ng mga kambing. Ang kabuuang ha­laga na nawala dahil sa pagkamatay ng mga kambing ay P2,438,200.00.

Ayon sa necropsy reports ng COA, ang 52 kambing­ ay namatay dahil sa iba’t ibang sakit at nakitaan ng malnutrition. Mahina rin umano ang immune system ng mga kambing at mayroon ding environmental stress. Pero ang pinakanakikitang dahilan ng pagkamatay ng mga kambing ay dahil sa kakulangan ng pagkain. Sabi ng COA, nakita nilang walang allocation funds para sa pagkain ng mga kambing.

Maraming nasasayang na pondo ang pamahalaan. Tama ang COA na karamihan sa mga ahensiya ng pamahalaan ay walang sapat na pagpaplano sa nilun­sad na proyekto.

Malaking halaga ang natalo sa pamahalaan dahil sa pagkamatay ng mga kambing. Nasayang ang pondo na kung sana ay nagkaroon nang maayos na plano ay hindi hahantong pagkalugi o pagkatalo. Kailan magkakaroon nang maayos na plano ang mga ahensiya ng pamahalaan?