Bodega ni-raid sa Cavite: P200 milyong yosi nasabat


Cristina Go Timbang, Ed Amoroso — Pilipino Star Ngayon

February 21, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasa P200-milyong halaga ng mga puslit at ipinagbabawal na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad isinagawang  pagsalakay sa isang bodega na tambakan at pagawaan ng pekeng yosi sa Barangay Sahud-Ulan, Tanza, Cavite noong Huwebes ng umaga.

Isang Jimmy Cua, may-ari ng warehouse at Tony Sia Lao, ng Aroroy, Masbate, na umuupa ng nasabing bodega at pagawaan, ay wala sa paligid sa isinagawang operasyon sa 0833 Antero Soriano Highway sa Tanza.

Kasama ang Bureau of Customs (BOC), pinasok ng mga operatiba ng Calabarzon Police, Bureau of Customs, CIDG Cavite, AFP, kasama si Tanza Mayor Archangelo “SM” Matro ang bodega ng Cavite South Luzon Steel Management sa nasabing lugar. 

Ikinasa ang operasyon sa bisa ng Letter of Autho­rity at Mission Order para sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act,at Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Pinasok din ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang nasabing bodega at tumambad ang libu-libong kahon ng iba’t ibang klase ng pekeng sigarilyo na aabot sa P200 milyon, mga naglalakihang makina, mga kagamitan at materyales sa paggawa ng sigarilyo.

Sa press briefing ni SILG Jonvic Remulla kasama sina Regional Director PBrig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas, Cavite Provincial director P/Col Ariel Red, Gov. Abeng Remulla at Tanza Mayor Archangelo SM Matro sa mismong bodega, nagbigay ang kalihim ng isang linggong ultimatum sa lahat ng mga negosyante sa bansa na alisin sa merkado at sirain ang mga pekeng sigarilyo na kanilang ginagawa kundi sila ay kakasuhan at makukulong ng habambuhay. — Angie dela Cruz