Boss Boying, nag-psywar vs Sandiganbayan!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

January 13, 2026 | 12:00am

MAAGANG nag-psywar si Ombudsman Boying Remulla kontra Sandiganbayan.

Nanakot na naman!

At ang masama n’yan, itinaon pa niyang patutsadahan ang Sandiganbayan habang dinidinig ng justices ang bail petition ng mga akusado sa maanomalyang flood control projects. Araguyyy!

Ayon kay Boss Boying, walang patumangga itong anti-graft court sa pagbasura ng mga kaso na inihain sa kanila. Aniya, halos na-master na ng mga mahistrado ang lahat ng mga dahilan para i-dismiss ang mga nakasampang kaso sa kanila. Kaya naman inurot pa niya ang publiko na “bantayan daw ang mga galawan ng mga mahistrado.”

Baka naman mahina lang ang ebidensiya laban sa mga akusado kaya’t dinismiss ng Sandiganbayan ang mga kaso? Puwede, di ba mga kosa? Maraming mga legal pundits at observers ang nakapuna sa mga tinuran ni Boss Boying, na tila baka inuunahan n’ya ang mga taga Sandiganbayan at pinalalabas na mga korap ang mga ito. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Para sa kaalaman n’yo mga kosa, dito sa Sandiganbayan itinatapon ng Ombudsman ang lahat ng kasong isinasampa nila laban sa mga akusadong taga-gobyerno, kabilang na yung mga sangkot sa bilyun-bilyong pisong flood control projects.

Pero bakit kaya binibira ni Boss Boying ang mga taga-Sandiganbayan? Napapaisip tuloy ang mga kosa ko kaya sinisindak ni Boss Boying ang Sandiganbayan, ay dahil mahina talaga ang mga kasong isinampa nila laban sa mga akusado sa flood control scam.

Dahil ang taga-Ombudsman naman ang nagrerepaso sa mga isinampang kaso sa Sandiganbayan kaya’t dinaan na lang ni Boss Boying sa pananakot para hindi mabigyan ng bail ang mga akusado? Ganun ba ‘yun?

Ang akusasyon ni Boss Boying vs Sandiganbayan justices ay bahagi ng mind conditioning lang? Ang suspetsa tuloy ng mga kosa ko na paraan ito ni Boss Boying para kapag sumemplang ang mga kaso ay hindi ang Ombudsman ang masisisi ng taumbayan kundi ang mga mahistrado ng anti-graft court. Teka, teka lumang style na ‘to! Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

Sablay ang taktikang ito ni Boss Boying.  Dahil ang mga mahistrado ay naghahatol base sa mga ebidensya  at testimonyang isinusumite sa kanila at hindi base sa mga emosyon o gusto ng mga miron. 

Tandaan natin na may due process tayo na sinusunod at kapwa mga akusado at nagrereklamo ay ginagarantiyahan nito sa ilalim ng ating Saligang Batas. Ang tama sana ay tiyakin ng tropa ni Boss Boying na malakas ang isinampa nilang kaso para swak sa banga ang mga akusado. Gets n’yo mga kosa? ‘Wag hearsay evidence lang. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Sinabi ng mga kosa ko na nakalimutan ‘ata ni Boss Boying ang kaso ng kanyang anak na nahulihan ng 900 grams ng kush na ibinasura “beyond reasonable doubt” ng korte sa Las Piñas pagkaraan ng tatlong buwan dahil sa kabiguan ng prosecution na ma-establish ang chain of custody ng nakumpiskang ebodensiya.

Hindi ba korap ang korte ng Las Piñas sa kaso ng anak mo Boss Boying? Tanong lang po. May punto! Sa usapin naman ni Boss Boying, hindi trabaho ng Sandiganbayan na maging rubber stamp ng Ombudsman. Dipugaaa!

Sabi nga ng isang batikang abogado, “an acquittal is not a “judicial failure; it is often a prosecutorial failure.” Abangan!