Boss Jonvic, tutuldukan ang cigarette smuggling!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

February 12, 2026 | 12:00am

TINATADO na ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga pulitiko, at aktibo at retiradong police officials na sangkot o may kinalaman sa cigarette smuggling. Kaya ‘wag na kayo masorpresa mga kosa kung sasampahan na sila ng kaso sa korte sa susunod ng mga araw.

Sa ngayon kasi, panay closed door meeting si Boss Jonvic sa mga intelligence officers ng PNP at Highway Patrol Group director Brig. Gen. Hansel Marantan para rebisahin ang intel nila laban sa mga pulitiko at aktibo at retiradong police officials. Araguyyy!

Sinabi ng mga kosa ko na tuwing meeting na ipinatawag ni Boss Jonvic, nadagdagan ang bilang ng mga kakasuhan. Sanamagan!

Ayon sa mga kosa  ko ang mga pulitiko ay kundi hindi finan­cier, abayyy protector ng cigarette smuggling. Ang aktibong PNP officials naman ay hindi kumilos laban dito, samantalang ang mga retirado ay panay arbor ng mga nahuling ciga­rette shipment.

Hayan, lagot kayo ngayon! Gusto n’yo maging milyonaryo ha? Sisikat lang kayo. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Suportado naman ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. ang hakbangin ni Boss Jonvic na linisin ang hanay ng PNP laban sa financiers at protectors ng cigarette smuggling.

“The illegal cigarette trade is far more than a simple violation—it is an attack on the country’s economy and the welfare of ordinary Filipinos,” ang pahayag ni Nartatez. “Hindi ito simpleng bentahan lang ng ilegal na sigarilyo This is eco­nomic sabotage. Kapag pinayagan natin ito, ang talo rito ay ang taumbayan—nawawalan ng kita ang gobyerno, nasa­sagasaan ang lehitimong negosyo, at lumalakas ang kriminalidad,” ayon pa kay Nartatez. Dipugaaa! Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Aksiyon agad naman si CIDG director Maj. Gen. Robert Morico II sa kagustuhan nina Boss Jonvic at Nartatez na tuldukan ang cigarette smuggling sa Pinas at nagsagawa ang kanyang mga tauhan ng sunud-sunod na atake mula Pebrero 5 hanggang Pebrero 7. Noong Pebrero 5 umatake ang CIDG Field Unit 9 sa Bgy. Kajatian sa Indanan, Sulu at kunimpiska ang 56 master cases ng ismagel na sigarilyo na nagkakahalagang P2.96 milyon.

Nagsagawa rin ng operation ang CIDG units sa Laguna, Camarines Norte at Pampanga at hinakot ang P980,000 halaga ng epektos.

Noong Pebrero 6 umatake naman ang CIDG units sa Davao, Agusan, Pampanga at Palawan at P7.1 milyon halaga ng sigarilyo ang nabawi sa isang Chinese at pitong Pinoy.

Habang ang pinakamalaking huli ay sa warehouse sa Bgy. Prenza sa Marilao, Bulacan kung saan umabot sa 1,286 master cases na nagkakahalagang P80 milyon ang nakumpiska. Dalawang Chinese ang inaresto.

Noong Pebrero 7 naman nakumpiska ang P368,000 na sigarilyo sa Cagayan de Oro at Davao de Oro. Ang sakit sa bangs nito!

“I commend the CIDG teams for moving fast and delivering results. Sa loob ng tatlong araw, nakita natin ang malinaw na mensahe: hindi uubra ang smuggling sa ilalim ng administrasyong ito,” ayon kay Nartatez.

“Tuloy-tuloy ito. Hindi kami titigil. We will hunt down those who exploit our laws and steal from our people,” ani PNP chief. Yari kayo ngayon Boss Sakur, at Boss Cholo! Abangan!