Pilipino Star Ngayon
February 13, 2026 | 12:00am
HINDI lamang overloaded ang lumubog na MV Trisha Kerstin 3 kundi napakarami na pala nitong depekto at hindi na angkop bumiyahe, ayon sa mga opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) na nag-imbestiga sa paglubog ng barko noong Enero 25 sa karagatan ng Basilan. Umabot na sa 53 ang namatay sa paglubog at mayroon pang mga hinahanap. Ang Trisha Kerstin ay pag-aari ng Aleson Shipping Lines.
Ang Trisha Kerstin ay may 352 pasahero at 27 crew. Subalit sa pag-iimbestiga ng Marina, lumalabas na sobra-sobra ang pasahero ng barko. Ayon sa Marina, 293 ang nakaligtas sa insidente at 53 ang namatay at mayroon pang hinahanap na 24. Lumalabas na marami ang hindi nakasulat sa manifesto ng barko.
Ayon naman sa PCG, base sa pahayag ng mga nakaligtas na pasahero, pumasok ang tubig sa barko nang gumalaw ang mga kargang sasakyan. Lumalabas na mayroong butas ang barko kaya sadaling pumasok ang tubig.
Nabunyag din sa pag-iimbestiga na hindi naman daw ang Trisha Kerstin ang talagang naka-schedule na sasakyan ng mga pasahero subalit biglang nagpalit. Mas bago umano ang barkong sasakyan pero biglang binago at ang Trisha Kerstin nga ang ipinalit. Sabi ni Commodore Oliver Tanseco, Internal Inspector General of the Internal Affairs Service ng PCG, may tagas ang Trisha Kerstin.
Sabi ni Sen, Raffy Tulfo, chairman ng komite na nag-iimbestiga sa paglubog ng barko, hindi siya papayag na administrative cases lamang ang kakaharapin ng may-ari ng barko at mga nagpabayang tauhan ng PCG at MARINA.
Marami nang kinasangkutang trahedya ang mga barko ng Aleson Shipping Lines mula pa noong 2002. Noong Hulyo 2002, nakabanggaan ng Aleson Container Carrier 5 ang isang barko habang nasa karagatan ng Cebu na ikinamatay ng isang crew. Noong Marso 2003, ang barko ng Aleson na MV Ciara Joie ay lumubog sa karagatan ng Bacolod habang nagbababa ng mga pasahero.
Noong 2016, dalawang aksidente ang kinasangkutan ng mga barko ng Aleson—isa ang MV Lady Mary Joy na lumubog sa Tawi-Tawi at ang MV Danica Joy na lumubog sa Zamboanga port.
Noong Marso 2023, nasunog at lumubog ang barko ng Aleson na MV Lady Mary Joy 3 habang naglalayag sa Baluk-Baluk Island sa Basilan na ikinamatay ng 31 pasahero at pito ang nawala. Iyon ang pinakamalagim na trahedyang naganap sa barko ng Aleson. Sa kabila ng mga nangyaring aksidente sa mga barko ng Aleson, walang aksiyon ang DOTr at ang Marina.
Mabigat na parusa ang ilapat sa may-ari ng Trisha Kerstin ganundin sa mga pabaya at korap na opisyal ng MARINA at PCG. Nagsabwatan sila para makabiyahe ang mga kabaong na barko ng Aleson.
