Bossing bagsak sa Elasto Painters


MANILA, Philippines — Kumawala ang Rain or Shine sa fourth quarter para patumbahin ang Blackwater, 120-106, sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Kumamada si center Keith Datu ng 27 points at may 23 markers si guard Adrian Nocom sa pagbangon ng Elasto Painters sa naunang kabiguan para itaas ang baraha sa 3-2.

Nag-ambag si Caelan Tiongson ng 14 points habang may tig-11 at 10 markers sina Andrei Ca­racut, Gian Mamuyac at Jhonard Clarito, ayon sa pagkakasunod.

“Sabi ko lang we were playing the phase that we wanted, maybe in the fourth quarter we’ll be able to get a break,” ani coach Yeng Guiao. “And true enough we played better defense in the second half, especially in the fourth quarter.”

Bagsak ang Bossing sa ikalawang sunod na kabiguan para sa 1-4 marka bagama’t nagbalik sa aksyon sina Sedrick Barefield (hamstring) at Christian David (ankle sprain).

Umiskor si David ng 28 points kasunod ang 23 markers ni Barefield at 16 points ni RK Ilagan para sa Blackwater na kinuha ang 64-55 abante sa 2:15 minuto ng second period at isinara ang first half bitbit ang 68-60 kalamangan.

Nagtabla sa 100-100 sa pagsisimula ng fourth quarter, bumida si Nocom sa ratsada ng Rain or Shine para sa kanilang 107-102.

“Inumpisahan namin sa depensa, tapos iyong offense darating din sa tulong din ng mga kasama ko, kaya maganda rin iyong kinalabasan,” wika ni Nocom.

Tuluyan nang nakawala ang Elasto Painters patungo sa pagpapabagsak sa Bossing.