MANILA, Philippines — Itinagay ng San Miguel ang ikatlong dikit na panalo matapos lasingin ang Blackwater, 115-78, sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Umiskor si CJ Perez ng 20 points at humakot si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 17 points, 13 rebounds at 2 blocks para pangunahan ang tropa ni coach Leo Austria.
“Nagko-compliment kami sa isa’t isa at maganda iyong program namin ngayon at sana tuluy-tuloy,” ani Fajardo. “Kailangan namin magkakumpiyansa lahat, hindi lang iyong five or seven players. Kami lahat kailangan magkakumpiyansa para pagdating ng playoffs mataas iyong morale namin.”
Nagdagdag si JM Calma ng 16 points habang may 15, 13 at 11 markers sina Don Trollano, Jericho Cruz at Chris Ross, ayon sa pagkakasunod.
Pinaganda ng Beermen ang kanilang kartada sa 6-2 para patibayin ang tsansa sa quarterfinal spot at sa ‘twice-to-beat’ incentive.
“With a standing of 5-2, so we need another two (wins), this game is very important. Our goal is to get into the magic four,” ani Austria.
Laglag naman ang Bossing sa pang-limang sunod na talo para sa 1-7 marka.
Lumamang ang Blackwater sa 8-2 sa pagbubukas ng first period bago nagpakita ng kanilang lakas ang San Miguel sa second quarter para ilista ang 50-37 bentahe.
Matapos itiklop ang first half sa 52-39 ay tuluyan nang kumawala ang Beermen sa third period sa itinalang 33-point lead, 78-45.
Naiwanan ang Bossing sa pagtatapos ng nasabing yugto, 57-86, hanggang mabaon sa 73-108 mula sa basket ni Calma sa huling 3:53 minuto ng laro.
