Bossing sunog sa Bolts | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nalampasan ng Meralco ang pagbangon ng Blackwater mula sa isang 22-point deficit para agawin ang 105-96 panalo sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Kumana si Chris Newsome ng 22 points mula sa perpektong 5-of-5 field goal shooting at nagdagdag sina Cliff Hodge, Brandon Bates, Allein Maliksi, Raymond Almazan at Aaron Black ng 14, tig-13, 12 at 11 markers, ayon sa pagka­kasunod.

Sumampa ang Bolts sa win column matapos ang naunang kabiguan sa Titan Ultra Giant Risers at Rain or Shine Elasto Painters.

“He did score the most points, but more than that the intangibles that he brought,” wika ni coach Luigi Trillo kay Newsome. “I think he also shot the ball better.”

Bigo ang Bossing na maduplika ang kanilang 107-87 paggiba sa Terrafirma Dyip.

Ikinasa ng Meralco ang 22-point lead, 61-39, sa halftime bago bumanat ang Blackwater sa third period sa likod nina Sedrick Barefield at RK Ilagan para makalapit sa 74-79 sa hu­ling 55 segundo nito.

Ang dalawang free throws ni CJ Cansino at three-point shot ni Maliksi ang muling naglayo sa Bolts sa pagsasara ng nasabing yugto, 84-74.

Muling dumikit ang Bossing sa pagsisimula ng fourth quarter, 81-84, bago muling nabaon sa 81-95 sa 4:59 minuto nito.

Nasayang ang niratsadang 34 points ni Barefield at 22 markers ni Ilagan para sa Blackwater.

Samantala, ibinigay ng Barangay Ginebra sina ve­terans Maverick Ahanmisi at Aljon Mariano sa Terrafirma kapalit ng PBA Season 51st first round pick ng Dyip.