January 9, 2026 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang isang barangay chairman at pinsan nito matapos na pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo ng hindi pa nakilalang mga suspek sa liblib na lugar sa bayan ng Rajah Buayan, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules.
Kinilala ang mga nasawi na sina Brgy. Panadtaban Chairman Norodin Sindatukan Utto at ang pinsan nitong si Arto Utto Mangilala na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report, sinabi ni Lt. Col. Jopy Ventura, Spokesperson ng Police Regional Office in Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naitala ang pananam-bang sa mga biktima ilang metro lamang malapit sa tahanan nila sa Brgy. Panadtaban, Rajah Buayan, alas-9:40 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, magkaangkas sa motorbike ang mga biktima na minamaneho ni Mangilala nang mag-overtake sa kanila ang dalawang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang lalaki.
Nang makalapit ang dalawang lalaki ay agad na pinagbabaril ang magpinsang biktima na patungo sana sa barangay hall para magreport sa trabaho.
Naglunsad na nang manhunt operations ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya laban sa mga nagsitakas na salarin.
