October 25, 2025 | 12:00am
“KAILANGANG malaman natin ang misteryo sa likod ng panaginip mo at ang kaugnayan ng dalagita sa iyo. Ako ang maghahanap ng taong marunong mag-interpret ng panaginip. Tatanungin ko ang aking kaibigan kung mayroon siyang alam tungkol dun,’’ sabi ni Apol kay Guava.
“Ikaw ang bahala Apol.”
“Kapag may nakita akong tao na makatutulong sa atin, isasama kita.”
“Sige.”
“Kung mapapanaginipan mo uli ang babae, tandaan mo ang mga sinasabi. Malaki ang kutob ko na may gustong iparating ang babae kaya nagpapakita sa panaginip.”
“Oo, Apol.”
“Naniniwala ako na masosolb natin ang misteryong bumabalot sa panaginip mo at malalaman din natin ang kaugnayan ng dalagita.”
Napatango na lang si Guava.
May nakitang lungkot si Apol sa mga mata ni Guava.
NANG umuwi si Apol, dumaan siya sa tindahan ni Manang. Bigla niyang naisip na baka may kilala si Manang na taong nag-i-intepret ng panaginip.
“Magandang hapon, Manang.”
“Magandang hapon Apol.”
“Manang may kilala ka bang tao na nag-i-interpret ng panaginip?”
Napamaang si Manang.
“Ano ba ‘yun Apol?”
“’Yun pong marunong magpaliwanag ng kahulugan ng panaginip.”
“Teka, baka alam ni Tandang Santo yan!”
“Sinong Tandang Santo, Manang?”
“’Yung albularyo sa Laguna.”
“Hindi albularyo ang hinahanap ko Manang kundi yung marunong mag-interpret o magpaliwanag ng panaginip.”
“Oo nga! Marunong si Tandang Santo niyan!”
“Iba ang panggagamot Manang kaysa pag-i-interpret ng panaginip.”
“Maniwala ka sa akin, Apol. Maraming sumasangguni sa kanya at lahat tama!”
Nag-isip si Apol.
Totoo kaya ang sinasabi ni Manang?
(Itutuloy)