October 30, 2025 | 12:00am
“Kapag nakita natin ang underground cemetery, malapit na tayo sa bahay ni Tandang Santo,” sabi ni Manang.
“Ano pong underground cemetery?’’ tanong ni Guava na himig nagkaroon ng interes.
“Libingan daw nung panahon ng Kastila. Nasa ilalim ng lupa.”
“Talaga, Manang?”’ tanong ni Apol.
“Yun ang sabi sa akin. Hindi pa naman ako nakakarating dun.”
“Ano kaya at pagkatapos nating magkunsulta kay Tandang Santo e pasyal tayo sa underground cemetery,’’ sabi ni Guava.
“Sige. Para makita natin kung ano ang sementeryo sa ilalim ng lupa,” sabi ni Apol.
Nagpatuloy sila sa paglalakbay. Napakaganda ng kalsada sa Nagcarlan. Talo ang EDSA.
Dumaan sila sa zigzag. Parang bitukang manok.
Paglampas ng zigzag ay kabahayan na.
“Malapit na tayo sa underground,” sabi ni Manang.
Maya-maya nakita nila ang malawak na lupa na may bakod na bakal.
“Yan ang underground.”
“Ang laki pala.”
Mga ilang minuto makalampas sa underground cemetery ay ang malaking bahay na puti.
“”Yan ang bahay ni Tandang Santo,” sabi ni Manang,
“Ang laki!” sabi ni Apol.
(Itutuloy)