October 29, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinigil ng nagdedepensang Mapua University ang pagbulusok matapos talunin ang Emilio Aguinaldo College, 85-78, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Kumolekta si Season 100 MVP Clint Escamis ng 20 points, 4 rebounds, 4 assists at 2 steals, habang may 14, 13 at 11 markers sina Cyril Gonzales, Yam Concepcion at JC Recto, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Cardinals ang kanilang three-game losing slump para itaas ang baraha sa 4-4 sa Group A.
“First of all thank you Lord na naputol na ‘yung three straight losses namin,” ani coach Randy Alcantara. “Kaming mga coaches, siyempre kailangan pa rin namin talagang pagtrabahuhin kung ano pa ‘yung puwede naming maitulong sa mga players.”
Nadiskaril ang hangad na back-to-back wins ng Generals para sa 4-5 marka sa Group B.
Samantala, bumalikwas ang College of St. Benilde mula sa 16-point deficit para balikan ang Lyceum of the Philippines University, 70-67.