November 5, 2025 | 12:00am
“NAG-ANYONG dalagita na kamukha mo ang babae,’’ sabi ni Tandang Santo.
“Bakit po niya ginawa iyon, Tandang Santo?” tanong ni Guava.
“Para makasalamuha ka nang matagal—para makasama ka.”
Nalito si Guava sa sinabi ng matanda.
“Ano pong ibig mong sabihin?”
“Ang babae na nagbigay sa iyo ng tsinelas at napanaginipan mo ay isang engkantada. Nagustuhan ka ng engkantada. Naging paborito ka. At para mapalapit siya sa iyo, binigyan ka ng tsinelas. Isang paraan iyon para mapalapit siya sa iyo.”
“Pero kung totoong engkantada ang babae, bakit ang tagal niyang magpakita sa akin — at sa panaginip pa. Bakit hindi siya lumutang gaya nang ginawa niya noong binigyan ako ng tsinelas?”
“May mga dahilan yan. Katulad ng tao, marami ring ginagawa ang mga engkantada at iba pang nilikha. Hindi sila basta-basta gumagawa ng mga hakbang na magpapahamak sa kanila. Basta ang layon nila ay makipagkaibigan — at yun ang ginawa ng babae sa iyo.”
“Saan po kaya ako nakita ng engkantada at bakit ako ang napili niya, Tandang Santo?”
“Malinis ang kalooban mo—yun ang tiyak.”
“Wala naman po kayang panganib na idudulot sa akin ang engkantada?”
“Wala—baka nga suwertehin ka pa nang todo!”
“Susuwertihin ako, Tandang Santo?”
“Oo.”
Maski si Apol ay namangha.
“Hindi po talaga panganib ang dulot ng babae, Tandang Santo?” tanong ni Apol.
“Hindi. Mayroon na akong ginamot na katulad na katulad ng kaso ni Guava.”
“Ano pong nangyari?”
“Dumagsa ang suwerte sa kanya—hindi niya akalain na mangyayari sa kanya.”
“Tandang Santo, may itatanong po ako. Bakit kay Apol unang nagpakita ang dalagita—bakit hindi sa akin?”
“Gusto niyang matiyak kung mabuti ang kalooban ng lalaking nagmamahal sa iyo.”
“Pero hindi pa po ako nakikilala ni Apol ng panahong iyon?”
“Gusto niyang makatiyak sa lalaking makakatuluyan mo.”
Napatango si Guava.
Itutuloy