December 30, 2025 | 12:00am
“HINDI lang ang bayabas ang maraming bunga Bro, pati ang iba pang puno sa bakuran e namutiktik sa bunga,’’ sabi ni Apol kay Kit.
“Talagang susuwertehin ka. Natatandaan ko ang sinabi ni Papa noong nabubuhay pa. Palatandaan daw na may darating na suwerte ay ang pamumulaklak at pamumunga ng mga puno at bungangkahoy na wala sa panahon. Sabi ni Papa, may dumating na suwerte sa kanila nang manalo siya ng first prize sa sweepstakes noon. Maliit lang napanalunan pero sapat na para makabili sila ng lupa sa QC noong 70s.”
“Sa palagay mo mananalo kaya ako sa lotto, Bro?”
“Tumataya ka ba?”
“Hindi!”
Humalakhak si Kit.
“Paano ka mananalo e hindi ka tumataya?”
Nagtawa na lang si Apol.
“Pero alam mo Bro, mula nang ipanganak namin ang kambal, hindi na nawalan ng bunga ang bayabas—hitik na hitik.”
“Tandaan mo Pareng Apol, may darating na suwerte sa inyo.”
“Sana mangyari na iyon. Halika na sa loob. Ipakikilala kita kay Guava.”
Nakita ni Kit si Guava at ang kambal ng mag-asawa.
MAKALIPAS pa ang ilang taon, muling dumalaw si Kit sa mag-asawa. Malalaki na ang kambal na sina Doro at Thea. Guwapo si Doro at napakaganda ni Thea.
“Ang gaganda ng mga anak mo, Pareng Apol,” sabi ni Kit.
“Mana sa akin eh,” sabi ni Apol at nagtawa.
“Sila ang magdadala sa inyo ng suwerte ni Mareng Guava.”
Natigilan si Apol.
Itutuloy