Bubot na Bayabas (166) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 3, 2026 | 12:00am

“MADULAS ang kata­wan ng bayabas kaya may kahirapang akyatin,’’ sabi ni Apol kay Guava.

“Dapat pala laging babantayan ni Tina ang kambal. Gaya niyan, hindi niya alam nakalabas pala ang mga alaga niya.”

“Oo nga Guava, sabihin mo kay Tina na huwag iiwan ang mga bata.”

“Paano kung nahulog mula sa bayabas? Ang taas pa naman!”

Nag-uusap sina Apol at Guava nang lumapit si Tina.

Pasimpleng sinabi ni Guava na bantayan ang mga bata at huwag hahayaang umakyat sa puno.

“Opo Ate.”

“Nagtataka kasi kami ni Kuya Apol mo kung pa­ano nakaakyat ang kambal sa bayabas. Mahirap palang akyatan yan dahil madulas ang katawan.”

“Oo nga Ate. Mahirap pong umakyat diyan.”

“Sure ka ba na ngayon lang nakalabas ang dalawa at nakaakyat sa bayabas, Tina?”

“Opo Ate.”

“Bantayan mo lagi. Huwag mong hahayaang makalabas nang walang kasama. Kung magpipilit samahan mo.”

“Opo.”

 

KINABUKASAN, nasa may puno ng bayabas si Apol at pinag-aaralan kung paano nakaakyat doon ang kambal. Malalayo ang sanga ng bayabas at kung bata ang aakyat, mahihirapang maabot. Paano nagawa ng kambal na makaakyat nang walang hirap.

Hanggang naisip ni Apol, paano rin nakaakyat sa ba­yabas ang “misteryosang” dalagita noon?

Itutuloy