January 12, 2026 | 12:00am
TINUNGO ni Apol ang gate. Naiwan si Guava sa pagkakaupo sa ilalim ng punong bayabas.
Nakita ni Apol ang tumatawag. Isang dalagita. Luma ang suot na damit pero malinis. Nakangiti.
“Anong kailangan mo?” tanong ni Apol.
“Manghihingi lang po ako ng bayabas, Sir.”
Hindi agad nakasagot si Apol.
“Kahit ilan lang po. Nagugutom lang po ako.”
Nahabag si Apol.
“Bakit bayabas ang hinihingi mo—bakit hindi kanin o tinapay?”
“Tama na po ang bayabas, Sir.”
“Meron kaming pagkain. Maghintay ka at bibigyan kita. Baka sumakit ang tiyan mo sa bayabas.”
“Bayabas na lang po. Ako na lang po ang aakyat.”
Hindi makapagsalita si Apol.
Mas gusto pa ng dalagita ang bayabas kaysa pagkaing idudulot niya.
“Sige halika.”
Binuksan ni Apol ang gate.
(Tatapusin na bukas)