KAHIT matagal nang nangyari ang ginawa ng dalagita na walang pahintulot na pagkuha ng bunga ng bayabas, nakokonsensiya pa rin si Apol. Sana, hindi niya pinagsalitaan ang dalagita.
At kung magtatangka muli ang dalagita na kumuha ng bayabas ay hahayaan na niya. Ipakukuha na niyang lahat ang hinog na bunga ng bayabas. Hindi na siya magagalit at magsasalita nang masasakit.
Pero ang labis na ipinagtataka ni Apol ay ang pagkakamukha ng dalagita sa babaing nakasalubong niya sa Ayala Avenue, ilang linggo na ang nakararaan. Kamukhang-kamukha talaga ng dalagita ang babae sa Ayala. Parang pinagbiyak na bunga ang dalawa—ang mga mata, ilong, kilay at maski ang haba ng buhok.
Naisip ni Apol: hindi kaya ang babae sa Ayala ay yun din ang dalagitang nahuli niyang kumukuha ng bayabas?
Pero paanong napunta ang dalagita sa Ayala?
Imposible yata ang naiisip niya dahil ang babae sa Ayala ay isang empleyada. Maaaring sa banko o sa isang law office nagtatrabaho dahil sa suot.
Hindi kaya isang engkantada ang dalagitang kumukuha ng bayabas at nagbalatkayo lang para subukan siya kung mabait o hindi.
Napangiti si Apol sa naisip. Uso pa ba ang engkantada? At bakit naman siya iti-test ng engkantada?
Iwinaksi ni Apol ang mga iniisip ukol sa dalagita.
Pero patuloy pa ring umuukilkil sa kanya.
Ipagtanong kaya niya sa mga kapitbahay kung may nakikita silang kakaibang dalagita dito sa kanilang kalye.
Sa sari-sari store sa kanto siya nagtanong.
Itutuloy