August 14, 2025 | 12:00am
Nang makauwi si Apol sa bahay ay nakadama siya ng lungkot. Mahirap pala kung dalawa lamang ang magkapatid. Ngayong nasa ibang bansa na ang kanyang Ate Ginger ay parang naging ulilang lubos siya. Wala man lang siyang matakbuhan kung kailangan niya ng tulong. Sana ay naging tatlo man lang silang magkapatid. Pero gaano naman siya nakasiguro kung ang ikatlong kapatid ay dito sa Pinas magpipirmi? Paano kung sa ibang bansa rin pala maninirahan?
Tinanggap ni Apol nang maluwag na talagang nag-iisa na siya at dapat ay magpatuloy siya sa kanyang mga plano—lalo ang pag-iipon ng pera bago siya mag-asawa. Kailangang bago siya “lumagay sa tahimik” ay marami siyang ipong pera sa banko.
At target niyang pagkakitaan nang malaki ay ang bahay ng kanyang Ate Ginger. Pauupahan niya ang bahay. Dito babaha ang maraming pera.
Sumunod na linggo, binisita niya ang bahay sa Bgy. Poblacion.
Pinag-aralan niya kung paano magagawang anim na pinto ang bahay. Kung pauupahan niya ng P10k bawat pinto, malinaw na P60k isang buwan yun. Malaking pera! (Itutuloy)