August 16, 2025 | 12:00am
Ipinasya ni Apol na mga babae ang tanggapin sa kanyang paupahang kuwarto. Mas nakasisiguro siya na maliit ang tsansang magkaproblema kung mga working girls ang uupa sa kanya. Mahirap kung may pamilya ang uupa dahil baka masira ang unit. Kapag may mga anak ang uupa, tiyak na maraming masisira sa loob—mababasag ang tiles sa salas at banyo, masisira ang salamin ng bata, mabubutas ang dingding at kung anu-ano pang perwisyo. Kaya pinal na ang desisyon niya na pawang working girls ang tatanggapin niya. Sa panahon ngayon, dapat maging matalino ang magpapaupa.
Makalipas ang dalawang araw, makaraang ilagay niya ang karatulang ROOM FOR RENT, LADIES ONLY, mayroon na agad nag-inquire sa pamamagitan ng phone.
Nagtatrabaho sa Makati Avenue ang babae. Single. Agad silang nagkasundo sa upang P10,000. Ipinaliwanag ni Apol na one month advance, one month deposit. Walang tutol ang babae.
Kinabukasan, lumipat na ang babae.
Natuwa si Apol. Tama ang ate niya na mabilis mag-paupa ng kuwarto sa lugar na iyon. Lalapit na kusa ang grasya. (Itutuloy)