Bubot na Bayabas (44) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

“Nakita ka ba niya Manang habang kinukunan mo ng picture?” tanong ni Apol habang nakatingin sa picture sa cell phone.

“Hindi. Nakatago ako rito sa loob habang kinukunan siya. Nagmamadali ako sa pagkuha kaya siguro blurred ang kuha ko. Isa pa mumurahin ang cell phone ko.”

“Kokopyahin ko ang retrato Manang.”

“Sige, ikaw na ang komopya at hindi ako ­marunong.”

Kinuha ni Apol ang cell phone ni Manang at pinadala sa messenger ang picture ng dalagita na kamukha ni Guava.

Isinauli niya kav Manang ang cell phone pagkatapos.

“Sino kaya ang ­dalagang ito, Apol?”

“Nagtataka nga ako Manang kung sino ‘yan at bakit parang pasulput-sulpot dito sa lugar natin.”

“Pero ang ganda niya, Apol—kakaiba ang ganda.”

“Oo nga po.”

“Hindi kaya diwata ‘yan? Itong lugar natin ay marami pang nakatanim na malalaking kahoy na paborito ng mga Diwata.”

Napangiti si Apol.

“Kaibiganin natin Manang tapos ­humingi tayo ng number na ­tatayaan sa lotto.”

“Oo nga ano? Sana dumaan muli ang dalagita. Aabangan ko siya.”

“Sige po Manang, aalis na ako.”

“Ingat ka sa Diwata Apol, ha-ha-ha!”

Nang nasa bahay na si Apol agad niyang tiningnan ang picture ng dalagita sa kanyang cell phone.

Kamukhang-kamukha talaga ito ni Guava.

(Itutuloy)