September 18, 2025 | 12:00am
“May problema ka ba Guava?” tanong ni Apol nang magsimulang humikbi ang dalaga.
Tumango si Guava.
“Puwede kong malaman?”
“Hindi ko alam kung problema nga ba itong matatawag—kasi’y…”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Noong 13-anyos ako, natuklasan ko na ampon lang ako nina Papa at Mama. Hindi sinasadya na nalaman ko. Naghalungkat ako sa aparador namin at may nakita akong sulat. Bigla akong kinabahan nang makita ang sulat na naninilaw na. Natukso akong basahin. Sulat ng isang babae at naka-address kina Papa at Mama. Nakasaad na ipinauubaya na niya ako kina Papa at Mama. Patawarin daw siya sa nagawa. Ginawa raw niya iyon para rin daw sa kabutihan ko. Wala raw siyang maipagkakaloob sa akin kaya minabuting ipaampon.
Nang tanungin ko sina Papa at Mama tungkol sa sulat. Sinabi nila ang totoo. Pinaampon ako ng isang babae. Tinanong ko kung tagasaan ang babae pero hindi nila masabi. Sinubukan kong magtanung-tanong pero walang nangyari,
Nung 13-anyos ako, may nagregalo sa akin ng tsinelas. Katulad na katulad ng tsinelas na nakita mo sa iyong bakuran.”
Ipinakita ni Guava ang isang lumang photo na suot niya ang tsinelas.
Hindi makapaniwala si Apol. Totoo nga! Kapareho nga ang tsinelas.
(Itutuloy)