Bubot na Bayabas (76) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 1, 2025 | 12:00am

NAKATITIG pa rin si Manang kay Guava. Walang kakurap-kurap na parang nahipnotismo.

“Manang!” sabi ni Apol.

Saka lamang natauhan si Manang.

“Anong nangyayari sa iyo Manang?” tanong ni Apol.

“Siya talaga ang dala­gita—hindi ako maaring­ magkamali!” sabi ni Manang habang nakatingin kay Guava.

“Kamukha lang siya Manang. Hindi siya ang dalagita na nakita mo.”

“Oo nga po Manang. Hindi po ako ang dalagita,’’ sabi ni Guava.

“Pero magkamukhang-magkamukha kayo! Parang Engkantada!” sabi ni Manang na punumpuno ng pagtataka ang boses.

“Hindi po Manang—totoo po akong tao.”

Para maniwala, hina­wa­kan ni Guava ang kanang kamay ng matanda.

“Ayan po Manang, totoo po ako. Mainit pa ang palad ko,” sabi ni Guava.

“Oo nga!”

“Naniniwala ka na Manang?”

“Oo. Pero sino kaya ang dalagita na lagi naming­ nakikita na nag­lalakad sa kalye?”

“’Yan nga po ang dahilan kaya ako sumama kay Apol—tutuklasin namin ang misteryo.”

“Oo nga Manang,’’ sabi ni Apol.

“E di tutulong na rin ako,’’ sabi ng matanda.

“Abangan mo na lang po ang dalagita Manang at baka dumating. Kunan mo ng picture.”

“Sige. Mag-ingat kayong­ dalawa.”

Nagpaalam na si Manang.

Nagtungo naman sa loob ng bahay sina Apol at Guava.

“Maupo ka, Guava.”

“Nag-iisa ka rito, Apol?”

“Oo.”

“Parang nararamdaman ko, may kasama ka.”

Napamaang si Apol.

(Itutuloy)