Bubot na Bayabas (87) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

Kinabukasan, nang damahin ni Apol ang noo ni Guava, mainit pa rin ito. Hindi bumababa ang lagnat.

Nagpasya na si Apol na dadalhin na ito sa ospital. Kailangan na ang hatol ng doktor dahil pangatlong araw nang hindi bumababa ang lagnat ni Guava. Baka kung ano ang mangyari rito kapag hindi pa pinatingnan sa doktor.

Pero nang sasabihin na ni Apol kay Guava ang balak, iba ang namutawi sa bibig ng dalaga.

“Apol, ipaglaga mo ako ng dahon ng bayabas.”

Gulat na gulat si Apol.

Nahihibang na yata si Guava at pati ang nilagang dahon ng bayabas ay nabanggit.

“Bakit Guava? Anong meron ang dahon ng bayabas? Bakit naisip mo yun?”

“Basta sundin mo ako Apol, please! Gusto ko nang gumaling…nahihirapan na ako…”

Napamulagat si Apol.

Anong nangyayari kay Guava. Nahihibang na ba ito dahil sa taas ng lagnat? Bakit pati ang dahon ng ba­yabas ay gustong pakuluan?

“Sige na Apol. Kumuha ka na ng dahon ng bayabas at ilaga mo. Parang awa mo na.”

“Oo Guava. Sandali lang at kukuha ako ng dahon ng bayabas.”

Nagmamadali si Apol na pumanaog. Tinungo ang punong bayabas.

Kumuha ng mga dahon at agad inilaga.

Pagkatapos ay nilagay sa baso at dinala kay Guava.

Ininom ni Guava.

(Itutuloy)